Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno na pabilisin ang suportang pinansyal para sa mga magsasaka na apektado ng El Niño phenomenon.
Ito ay sa gitna ng inaasahang mas matindi pang pag init ng panahon lalo na ngayong buwan.
Batay sa datos na ibinigay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ng Task Force El Niño na naapektuhan ng dry spell ang mahigit limampung libong magsasaka na karamihan ay rice farmers.
Giniit ni Gatchalian na maaaring makapinsala ng malaki sa ekonomiya ng bansa at sa mga magsasaka ang El Niño kaya naman kailangan na ng agarang suportang pampinansyal para sa mga magsasaka na nasa mga lugar na apektado ng El Niño.
Mahalaga aniyang magkaroon ng pondo para maprotektahan ang puhunan ng ating mga magsasaka at muling buhayin ang kanilang mga pananim.
Binigyang diin ng senador na ito ay para maiwasang magkulang ang ating bansa sa bigas dahil sa matinding init.
Pinatitiyak na rin ni Gatchalian sa Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng bigas ng ating bansa sa susunod na anim na buwan at magkaroon tayo ng access sa mga inaangkat na bigas mula Vietnam, India, o iba pang bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion