Malaking tulong para sa railway sector ng bansa ang binuong Inter-Agency Committee for Right-of-Way (ROW) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ito ang tutugon sa mga issue ng right-of-way at makapagpapabilis sa konstruksyon ng mga railway project sa bansa.
Sa ilalim ng Administrative Order (AO) 19, inatasan ang ROW Committee na pag-aralan ang pagpapaiksi sa proseso ng land acquisition na mahalaga sa pagpapatupad ng lahat ng mga railway project.
Binigyang direktiba rin ang komite, na makipag-ugnayan sa implementasyon ng mga polisiya sa railway, gayundin ang pagbuo at pag-apruba ng mga polisiya para sa mga proyekto at programa.
Kinakailangan din na tukuyin ng komite ang nararapat na mga serbisyo o programa para sa land acquisition at right-of-way gaya ng livelihood, income restoration, at resettlement.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Department of Transportation at Department of Human Settlements and Urban Development na pamunuan ang ROW Committee. | ulat ni Diane Lear