Patuloy ang pagsiguro ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na umuunlad ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pag-remit nito ng mahigit apat na bilyong pisong cash dividend sa pambansang pondo.
Ayon sa PAGCOR, ang naturang halaga ay 75% ng kabuuang net income ng ahensya noong 2023.
Mas mataas anila ito sa kadalasang 50% na remittance kung saan ni-request ni Finance Sec. Ralph Recto na dagdagan ng 25% ang ibibigay ng PAGCOR para sa mga gastusin ng pamahalaan.
Paliwanag naman ni PAGCOR Chair at CEO Alejandro Tengco na dahil sa magandang takbo ng gaming operations noong 2023 ay nakakuha ang PAGCOR ng mahigit sa P79 bilyong net revenue dahilan kaya nagkaroon ng cash dividend na mahigit P6 bilyong piso.
Ang dividend check ay tinanggap ni Deputy National Treasurer Eduardo Anthony Marino III sa isang simpleng turn over ceremony sa opisina ng PAGCOR sa Pasay.
Ayon kay Marino, malaki ang maitutulong ng remittance ng PAGCOR para sa socioeconomic agenda ng administrasyon lalo na at galing sa malalaking inflation ang bansa noong nakaraang taon. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: PAGCOR