Hindi nakikita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangangailangan na magdeklara ng National State of Calamity dahil sa nararanasang El Niño sa bansa.
Paliwanag ng Pangulo, bagamat lahat ng lugar sa bansa ay maaapektuhan ng tagtuyot, iba-iba naman ang lebel ng pinsala o epekto na iniiwan ng El Niño sa bawat lugar sa Pilipinas.
Ibig sabihin, hindi aniya maaaring magpatupad ng iisang pagtugon ang pamahalaan, dahil hindi naman lahat ay kritikal ang tinatamong pinsala mula sa El Niño.
“Iba-iba yung problema sa bawat lugar. Hindi naman pwede shotgun lang parang one size fits all. So we look at each area and see what it is that they need. So that’s the way we are handling the local states of calamity that the local governments have declared.” -Pangulong Marcos.
Pagsisiguro ng Pangulo kaliwa’t kanan naman ang mga ipinatutupad na hakbang na pamahalaan, upang angkop na matugunan ang pangangailangan ng bawat lugar.
“Naglagay tayo ng mga dam, patuloy na inaayos ang ating irigasyon, we should and we are trying to find new techniques of planting. We are harvesting more palay now than we are last year, that’s despite the El Niño, so it’s taking effect. So those areas na hindi talaga maabot ng patubig, those are the areas we look at. But we look at them by area.” -Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan