Sang-ayon si Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat pa ring ituloy ang mga pagdinig tungkol sa panukalang Economic Cha-Cha sa kabila ng resulta ng isang survey na nagsasabing mayorya ng mga Pilipino ang hindi pa pabor na amyendahan ang Saligang Batas ngayon.
Para sa senador, hindi naman pagsasayang ng oras ang mga pagdinig dahil pasok pa rin sa record ng Senado ang mga mapag-uusapan sa mga ginagawa at gagawing Senate hearings tungkol sa Economic Cha-Cha.
Giit ni Pimentel, bagamat hindi siya pabor sa Cha-Cha sa ngayon, ang mga matatalakay sa mga Economic Cha-Cha hearing ay pwede pang gawing basehan o ikonsidera sa posibleng pagbabago ng Saligang Batas sa hinaharap.
Aniya, imposible naman kasing hindi mababago ang Konstitusyon sa hinaharap, basta sa tamang panahon at sa tamang motibasyon.
Katunayan, mas mainam aniyang pagkatapos na lang ng 2025 elections muling buksan ang usaping ito.
Ang minority leader rin aniya ang nagmungkahi na ilabas sa Metro Manila ang pagdinig ng Senado tungkol sa panukalang Economic Cha-Cha para madinig ang sentimyento ng taumbayan sa iba pang bahagi ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion