Iminumungkahi ni Senador Francis Tolentino ang paggamit ng herbal medicine para malabanan ang pertussis outbreak sa ilang bahagi ng
Pilipinas.
Kabilang sa nirerekomenda ng senador ang paggamit ng lagundi, na isang herbal medicine para sa ubo at sipon.
Ayon kay Tolentino, ito muna ang maaaring gamitin sa pagtugon sa pertussis o whooping cough outbreak habang hinihintay pang dumating ang suplay ng pentavalent vaccines.
Sa kabila nito, nagpaalala ang mambabatas na komunsulta muna sa mga doktor tungkol sa paghahanda at prescription ng lagundi at huwag lang basta gagawa ng sariling timpla nito.
Sinang-ayunan naman ni Department of Health (DOH) spokesperson Undersecretary Eric Tayag ang rekomendasyong ito ng senador.
Sinabi ni Tayag na mayroon nang mga readily available na mga lagundi syrup at capsules sa mga botika para sa mga bata at matatanda.
Una nang sinabi ng DOH na bagamat wala nang naitatalang pagtaas ng kaso ng pertussis ay patuloy pa rin ang monitoring at vaccination program ng ahensya para matugunan ang naturang sakit.
Sa huling datos ng ahensya, mula Enero hanggang March 23, 2024 ay umabot na sa 862 ang naitalang kaso ng pertussis sa Pilipinas, kung saan pumalo na sa 49 ang mga nasawi. | ulat ni Nimfa Asuncion