Generally peaceful kung ituring ng Philippine National Police (PNP) ang paggunita ng sambayanang Pilipino sa Semana Santa.
Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo kasunod ng kanilang pagbabantay buhat noong March 25, Lunes Santo hanggang kahapon, Linggo ng Pagkabuhay.
Bagaman hanggang ngayon na lamang ang heightened alert status ng PNP, sinabi ni Fajardo na binibigyang kapangyarihan ang mga Regional at Provincial Directors na palawigin ito kung sa tingin nila ay kakailanganin pa.
Matapos naman ang Semana Santa, sinabi ni Fajardo na sunod naman nilang pagaganahin sa ngayon ang Oplan Summer Vacation o SumVac para tutukan ang mga tourist destination sa bansa.
Sa mga panahong ito ani Fajardo, madalas nagtutungo sa mga kilalang tourist spot sa bansa gaya ng mga lalawigang malapit sa dalampasigan tulad ng Aurora, La Union, Siargao, at iba pa, gayundin sa mga lugar na malalamig gaya ng Baguio, Tagaytay, at Quezon. | ulat ni Jaymark Dagala