Nagpahayag ng kanilang buong suporta ang Public Attorneys Office (PAO) sa pagkakatalaga ng Malacañang bilang Deputy Chief Public Attorney kay Dr. Erwin Erfe.
Ayon kay PAO Chief Persida Acosta, malaking tulong sa kanila ang pagkakatalaga kay Atty. Erfe bilang pangalawa sa mataas na pwesto sa kanilang ahensya.
Bukod kasi sa husay at dedikasyon sa trabaho, matagal ng tumutulong si Dr. Erfe sa mga mahihirap na Pilipino na naghahanap ng katarungan.
Siya ay itinalaga kahapon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang Deputy Chief Public Attorney.
Noong kasagsagan ng isyu ng Dengvaxia, si Dr. Erfe ang nangasiwa sa autopsy ng mga batang namatay matapos itong bakunahan laban sa dengue noong Aquino administration.
Isa rin si Dr. Erfe sa mga nangasiwa sa kaso ng mga biktima ng hazing ng iba’t ibang fraternity sa bansa. | ulat ni Mike Rogas