Welcome sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagkakatalaga kay Police General Rommel Francisco Marbil bilang bagong hepe ng Philippine National Police na naging epektibo simula Abril 1.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na kumpiyansa ito sa bagong liderato ng PNP na nangakong pagbubutihin ang kasalukuyang estado ng ahensya, at pabababain ang bilang ng mga krimen sa Pilipinas.
Pinuri rin ng CHR ang plano ng PNP na gumamit ng mga makabagong teknolohiya upang matugunan ang bagong paraan ng mga krimen gaya ng cybercrime at transnational crime.
Umaasa rin ang CHR na isusulong ni PNP Chief Marbil ang pagprotekta sa karapatang pantao at magiging transparent at accountable sa lahat ng operasyon ng pulisya.
Nangako naman ang CHR na patuloy itong nakabantay sa pagpapatupad ng mga batas upang matiyak ang pagprotekta sa karapatang pantao ng lahat ng mamamayan. | ulat ni Diane Lear