Para kay Senadora Nancy Binay, pansamantalang solusyon lang ang pagkakaroon ng dedicated lanes para sa mga motorsiklo sa EDSA at hindi ito ang tutugon sa lumalalang traffic sa Metro Manila.
Ayon kay Binay, dapat ang isipin ng DOTr ay kung paanong mama-maximize ang mga oportunidad at solusyon para sa mass transportation.
Pinaliwanag ng senadora na kaya sumusulpot ang mga alternatibong mga sasakyan para sa publiko ay dahil bigo ang ating public infrastructures na tugunan ang hamon ng urban mobility.
Kaya naman dapat aniyang huwag nang mag-isip lang ng mga pangmadaliang solusyon at huwag nang lumihis sa mass transit solutions.
Suhestiyon ni Binay sa DOTr, pagtuunan na ng pansin ang pagkakaroon ng mga episyente, ligtas at komportableng mass transportation, simulang bumuo ng matatag na mass transportation network at unahin ang pamumuhunan sa mga episyenteng public transit system gaya ng mga bus, bus rapid transit at mga tren. | ulat ni Nimfa Asuncion