Sinabi ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na hindi sapat ang ibinabang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa pagluluwag ng non-tariff barriers sa mga inaangkat na produktong pang agrikultura.
Ayon kay Hontiveros, bagama’t maraming makikinabang sa Administrative Order No. 20 ay hindi ito sapat sa lahat ng pinagdadaanan ng ating mga magsasaka at mga negosyante.
Giit ng senadora, kahit magluwag sa mga regulasyon at non-tariff barriers sa pag-aangkat ng agricultural products ay dapat pa ring tiyakin ang tamang paggamit ng mga import permit.
Bukod sa pagtitiyak na maiibsan ang kuntsabahan sa pag-aangkat, kailangan rin aniyang tiyakin na ligtas ang mga maipapasok na agricultural products, gaya na lang ng pagtitiyak na ligtas ang mga baboy mula sa ASF (African swine fever).
Pinatitiyak rin ng mambabatas na matutugunan rin ang mga problema sa mga lokal na pamilihan, halimbawa na lang aniya ang pagsisigurong hindi papatungan ng malaki ang presyo ng mga ibinabyaheng produkto pagdating sa mga palengke.
Umapela rin si Hontiveros na sa panahon ng anihan o oras na maging sagana na ang produksyon ay dapat ipataw na ang tamang taripano buwis sa mga imported na produkto para maiwasan ang dumping na siyang ikinalulugi ng mga magsasaka, mangingisda at nag aaaga ng hayop sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion