Binigyang diin ni Senador Lito Lapid na dapat palawakin pa ang paggamit ng renewable energy para masolusyunan ang mga brownout sa bansa.
Kabilang sa mga tinukoy ni Lapid ang paggamit ng solar, wind at wave energy para maging alternatibong pagkukunan ng kuryente.
Pinunto ng senador na kung tutuusin ay maswerte ang Pilipinas dahil sagana tayo sa ‘alternative source of energy’ pero kailangan lang na mag-invest sa mga kailangang equipment.
Sa pagbisita sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental, napag-alaman ng mambabatas na madalas mawalan ng kuryente sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Paalala ni Lapid, kung walang kuryente ay walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang ating mga kababayan.
Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang mambabatas sa mga hakbanging nais ipatupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para solusyunan ang kakapusan ng suplay ng enerhiya sa iba’t ibang lugar sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion