Umapela si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa mga ahensya ng pamahalaan at ang pribadong sektor na muling ikonsidera ang pagpapatupad ng Telecommuting Act (Republic Act 11165).
Aminado ang senador na hindi siya kumbinsido sa ibinabang kautusan ng Metro Manila Council (MMC) tungkol sa isang oras na adjustment sa pagpasok sa trabaho ng mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Ayon kay Villanueva, mas mainam na pagtuunan ng pansin ang implementasyon ng Telecommuting Act kung saan nakapaloob ang pagpapatupad ng work from home (WFH) arrangement, flexi time, compressed work week, skeletal force force, shifting o anumang kombinasyon nito.
Pinaalala rin ng mambabatas na epektibo pa ang kautusan ng Civil Service Commission (CSC) tungkol dito.
Umaasa rin si Villanueva na makapaglalabas na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng report kung anong mga industriya pwedeng ipatupad ang WFH. | ulat ni Nimfa Asuncion