Inirerekomenda ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pamahalaan na magpatupad ng ‘work break’ para maprotektahan ang mga manggagawa mula sa sobrang init na panahon.
Ito ay gaya aniya ng ipinapatupad ng ibang mga bansa gaya ng United Arab Emirates (UAE) na work limitations tuwing sobrang init ng panahon at ang pagpapatupad ng occupational heat safety and health protocols.
Ayon kay Pimentel, dapat makipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pribadong sektor para makapagpatupad sa bansa ng katulad na polisiya.
Partikular na iminumungkahi ng senador ang pagkakaroon ng temporary work break o compulsory rest periods kapag umaabot sa danger level ang heat index.
Ikinababahala ng mambabatas sa kaligtasan ng mga manggagawa sa bansa lalo na ang mga nagtra-trabaho sa labas at nakabilad sa sikat ng araw.
Inirerekomenda rin ni Pimentel na ibaba ang heat index threshold sa 40 degrees celsius, gaya ng pinapatupad sa UAE.
Sa ngayon kasi, 42 degrees celsius hanggang 51 degrees celsius ang kinokonsiderang dangerous heat index ng PAGASA. | ulat ni Nimfa Asuncion