Nais ni Senador Francis Tolentino na mabilisan na ang pagpapasa ng panukalang batas na tutukoy sa mga lokasyon ng ‘forward operating bases’ (FOB) ng Philippine Navy.
Ginawa ng senador ang muling pagsusulong ng panukala sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS) at ang namataang pag-aligid ng Chinese research vessels malapit sa Philippine o Benham Rise.
Sa ilalim ng Senate Bill 654 na inihain ni Tolentino noong July 2022, tutukuyin ang strategic sites sa buong Pilipinas na maaaring i-develop bilang ‘forward operating bases’.
Ipinaliwanag ng chairperson ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, ang mga ipinapanukalang FOB ay mas maliit sa main Naval base at operating base.
Hindi na rin aniya ito mangangailangan ng budgetary allocations na katulad sa mga regular Naval Base pero magsisilbing outpost sa mga strategic locations malapit sa West Philippine Sea at Philippine Rise.
Layon nitong tulungan ang ating Philippine Navy na tuparin ang kanilang mandato sa malalayong bahagi ng bansa.
Sa pagtaya ni Tolentino, kakailanganin ng aabot as ₱1-billion pesos na initial budget oras na maisabatas ang naturang panukala. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion