Simula ngayong araw, April 1, ipatutupad ng Securities and Exchange Commission ang mas mataas na multa sa mga kumpanya o korporasyon na bigong mag-file ng kanilang reportorial requirements.
Ang pagtataas ng multa ay nakasaad na inilabas na memorandum circular ng state regulator noong March 27, ang Updated Fines and Penalties on the Late and Non-Submission of Unaudited Financial Statements (AFS), General Information Sheet (GIS), Non-Compliance with SEC Memorandum Circular No. 28, Series of 2020 (MC 28).
Matatandaan ang huling pagtataas ng multa ay ipinatupad pa noong July 2002 o 22 taon nang nakalilipas.
Ayon sa SEC, ang pagsusumite ng reportorial requirements gaya ng GIS at AFS ay minamandato sa ilalim ng Republic Act No. 11232, o ang Revised Corporation Code.
May multang P20,000 o doble sa previous rate na P10,000 para sa mga hindi susunod sa MC 28.
Noong nakaraang taon, nag-alok ang SEC ng amnesty program upang bigyan ng pagkakataon ang mga kumpanya na ayusin ang mga “past non-compliance penalties “ sa mas mababang halaga. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes