Bukas si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagrebyu ng SIM Registration Law kasunod ng unti-unting muling paglaganap ng mga text scam.
Ayon kay Pimentel, ang muling pagkalat ng mga text scam ay pwedeng magtulak na silipin ang mga loophole sa naturang batas.
Pinaliwanag ng senador na maaari kasing gumagamit ng mga bagong teknolohiya ang mga nagpapakalat ng text scams para malusutan ang naturang batas at hindi ma-trace ang kanilang pagkakakilanlan kahit pa rehistrado ang gamit nilang sim.
Giit ng mambabatas, wala namang perpektong batas kaya naman kailangang magkaroon pa rin ng pagdinig para silipin ang mga butas nito sa ngayon.
Kabilang na aniya ang wording at mga bagong teknolohiya na pwede pang isama sa batas.
Una nang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na maaaring may kinalaman ang mga POGO sa paglaganap muli ng mga text scam, lalo na sa mga private messaging apps gaya ng WhatsApp at Telegram. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion