Pinapayagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau òf Jail Management and Penology (BJMP) na magsuot ng light at comfortable uniform sa gitna ng tumitinding init ng panahon.
Batay sa ulat ng PAGASA, mararanasan pa sa iba’t ibang panig ng bansa ang “dangerous heat index” o ang matinding init ng panahon hanggang kalagitnaan ng Mayo, 2024.
Inatasan ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr ang PNP, BFP at BJMP na mag-isyu ng advisory para sa lahat ng personnel na maaari na silang magsuot ng light uniforms habang ginagampanan ang tungkulin.
Makakatulong aniya ito para maibsan ang banta ng heat-related illnesses tulad ng heat cramps, exhaustion, at heat stroke.
Sa panig ng BJMP, nagpatupad na ito ng modified schedule ng pagsusuot ng uniforms sa panahon ng summer.
Mula Abril 22-Hunyo 15, magsusuot ng gray shirts tuwing Martes hanggang Biyernes ang BJMP personnel sa mga jail facility.
Magsusuot lamang ng regular Bush Coat at General Office Attire tuwing Lunes ang Junior Officer Ranks at Junior Non-Officer Ranks.| ulat ni Rey Ferrer