Isinusulong ng isang party-list representative ang agarang pagpapatibay sa panukalang magtayo ng fishing shelter at port o pantalan sa West Philippine Sea at Philippine Rise (Benham Rise).
Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee ang House Bill 9011 o Fishing Shelters and Ports Act ay makakasuporta sa inilabas na Executive Order No. 57 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para palakasin ang maritime security ng Pilipinas sa gitna na rin ng pagiging agresibo ng China sa ating teritoryo.
Sa ilalim ng panukala, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), katuwang ang Department of National Defense (DND) at iba pang kaukulang ahensya ay aatasang magpatayo ng fishing shelters at ports sa siyam na maritime feature sa WPS at Philippine Rise.
Partikular dito ang Lawak, Kota, Likas, Pag-asa, Parola, Panata, Patag, Rizal Reef, at Ayungin Shoal.
Para sa mambabatas, mahalaga ang panukala sa pagtiyak ng ating soberanya at bilang proteksyon na rin sa mga Pilipinong mangingisda.
Hindi aniya tayo maaaring magwalang kibo na lang sa pambu-bully sa atin ng dayuhan sa ating sariling bakuran.
“Our territorial waters are vulnerable, so are the lives of our fishermen—our food security soldiers. It is the government’s responsibility to support them and protect their rights from foreign interference in order for them to continue their traditional fishing rights and improve their livelihood,” sabi ni Lee.
Paraan din aniya ito upang iparating ang mensahe na ang West Philippine Sea at Philippine Rise ay sa atin.
“…nakataya dito ang integridad ng ating teritoryo, ang dignidad at kabuhayan ng Pilipino. This measure can sustainably ensure and send a loud message that the WPS and the Philippine Rise are ours, atin ito!” giit ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes