Nagbigay paalala si Iloilo Rep. Janette Garin sa publiko na ugaliin ang pag-inom ng tubig lalo na sa gitna ng pagtaas ng heat index sa bansa.
Sa isang pulong balitaan sa Kamara, pinayuhan ni Garin na isa ring doktor ang mga Pilipino na huwag nang hintayin ang labis na pagkauhaw bago pa uminom ng tubig.
Kasabay nito, pinayuhan din ng lady solon lahat na huwag nang lumabas ng bahay sa mga oras ng alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon dahil maliban sa init ng panahon ay mas sagana ang radiation mula sa araw.
Sakali naman aniya na magkaroon ng sakit gaya ng ubo at lagnat ay obserbahan ito.
Kung tatagal ng dalawang araw na walang pagbuti ay mainam aniya na magpatingin na sa doktor upang matukoy kung ano ang sanhi ng sakit.
Payo pa nito na kung sakaling painumin ng antibiotic ay tapusin at sundin ang araw ng gamutan dahil kung hindi ay ginagawa lamang aniyang drug resistant ang bacteria na sanhi ng sakit.
Para naman sa mga kababaihan, mainam aniya na magsuot ng preskong damit upang maiwasan ang fungal infection at pangangati lalo na sa pubic or perineal area.
Paalala pa nito na huwag ito kamutin, panatilihing tuyo at kung nasa bahay lang naman o kaya ay matutulog ay maaaring huwag na muna magsuot ng underwear sa ilalim ng shorts o pajama para ito ay mahanginan.| ulat ni Kathleen Forbes