Lalakas ang produksyon ng palay sa bansa at mas maraming lupa ang matataniman ng mga magsasaka.
Ito ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa ay ilan lamang sa mga positibong epekto ng pagtataas ng buying price ng palay.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na mai-engganyo kasi ang mga magsasaka na magtanim ng mas marami lalo’t mas malaki ang maaaring kita na maiuwi ng mga ito.
“Ang net effect nito, mas lalago lalo ang produksiyon ng palay sa ating bansa.” -de Mesa
Base sa inaprubahang buying price ng NFA, ang sariwang palay mula sa dating P16 to P19 per kilo, bibilhin na ng pamahaan sa halagang P17 to P23 per kilo.
Ang dried at clean na palay, mula sa dating P19 to P23, bibilhin na sa halagang P23 to P30 per kilo.
Bukod dito, makakatulong rin ang pagtataas ng buying price ng NFA sa palay upang mapatatag ang rice buffer stock ng pamahalaan, na ginagamit naman bilang relief assistance tuwing panahon ng bagyo at iba pang sakuna.
“Madadagdagan iyong pagkakataon na iyong NFA natin ay madagdagan iyong buffer stock natin. Alam natin sa susunod na semestre ay posibleng magkaroon ng La Niña ayon sa PAGASA at iyan din ay panahon na marami tayong bagyo so para ihanda iyong ating NFA na tumulong sa mga disaster agency natin kagaya ng DSWD at OCD at iba pa.” -de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan