Pinasisiyasat ngayon AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang insidente ng hospital detention ng mga kaanak ng namatay na pasyente at hindi paglalabas ng Death Certificate hangga’t hindi nakakabayad sa bill sa ospital o tinatawag na Palit-ulo Scheme.
Sa House Resolution 1674, partikular na tinukoy ng mambabatas ang reklamo laban sa ACE (Allied Care Experts) Medical Center dahil sa isidente ng Palit-ulo.
Isa aniya sa mga biktima na si Richel Mae Alvaro ang hindi pinalabas ng opsital dahil sa hindi pa bayad ang bill ng namatay na asawa kahit pa nailabas na ng ospital ang katawan nito.
Ang isa naman aniya ay si Lovery Magtangob, na namalagi sa Office of Safety Officer habang inaayos ng kapatid na mabayaran ang gastos.
Pinalabas lamang aniya siya nang makapag-partial payment sa bill.
Giit ni Lee, pinupuntahan ang mga hospital para makapagpagamot at hindi para ikulong ang mga pasyente at mga kaanak nila.
“Demonyo ang gumagawa ng krimeng ito; sila na dumadagdag pa sa pasanin at pagdurusa ng mga pasyente at kanilang pamilya… Pagamutan, hindi piitan. Pakikipagkapwa-tao, hindi negosyo. Malasakit at hindi pasakit sana ang pairalin ng ating mga ospital,” giit ni Lee.
Sabi pa ng Bicolano solon, maaaring ikonsidera na illegal detention ang ginagawa ng mga ospital na isang krimen salig sa Revised Penal Code.
“Acquiring unsettled hospital bills is not a criminal offense under our laws, and the same is also not an ailment requiring compulsory confinement of the patient in a hospital. Kaya tigilan na itong kawalanghiyaan, karumal-dumal, at ilegal na gawaing ito!” diin ng mambabatas
Umaasa si Lee na sa gagawing imbestigasyon ay matukoy at masolusyunan ang mga butas o kakulangan sa kasalukuyang polisiya kaugnay sa karapatan ng mga pasyente at kanilang kaanak, karapatan ng mga ospital at klinika sa unsettled bills at ang pananagutan ng mga masasangkot sa illegal detention. | ulat ni Kathleen Jean Forbes