Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto sa publiko ang pinaigting na aksyon ng gobyerno para higit na maprotektahan ang “purchasing power” ng mga Pilipino mula sa epekto ng El Niño at La Niña.
Sinabi ni Recto, nakatutok ang Inter-Agency Committee on Inflation and Market outlook sa pag-monitor ng weather related disturbances maging ang ilang external factors na nakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa PAGASA, posibleng tumagal ang El Niño hanggang June at may posibilidad na maranasan naman ang La Niña o matinding pag-uulan sa buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Samantala, ayon kay Recto, bagaman umiiral ang matinding tagtuyot ngayon sa bansa bahagya lamang ang naging pagtaas ng inflation sa buwan ng Marso na nasa 3.7 %.
Siniguro ng kalihim, na doble ang pagsisikap ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño kasabay ng paghahanda sa posibleng La Niña Phenomenon. | ulat ni Melany Valdoz Reyes