Binigyang diin ng delegasyon ng Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang suporta ng pamahalaan sa mabilis na paglago ng aerospace at defense manufacturing sa bansa.
Patunay umano dito ang tagumpay ng Collins Aerospace Philippines, isang dibisyon ng international company na RTX, at rehistradong negosyo sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), na patuloy ang operasyon at paglago dito sa bansa.
Mula umano sa pagkakatatag nito sa Batangas, isa ang Collins Aerospace sa mga leading global aerospace company na pinalawak pa ang operasyon sa Pilipinas na unang nakapokus sa paggawa ng mga aircraft interior components. At ngayon ay nag-diversify na ng operasyon nito sa engineering, pag-manufacture ng oxygen systems, at repair ng mga aircraft component.
Ang pahayag na ito ng DTI Chief ay kasabay sa isinagawang pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Washington, DC. para sa makasaysayang trilateral meeting kasama ang Japan at Estados Unidos.| ulat ni EJ Lazaro