Magbubuhos ng mas maraming investments ang Department of Agriculture (DA) sa agrikultura bilang bahagi ng suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda.
Pahayag ito ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa kanyang pagbisita sa Sentrong Pamilihan ng mga Produktong Agrikultural sa Sariaya, Quezon.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng suporta sa mga magsasaka mula sa produksyon hanggang sa marketing at pagpapahusay ng kakayahan ng mga trading posts ng bansa.
Aniya, mas magiging sustainable ang pagsasaka kung may sapat na pasilidad ang mga magsasaka na direktang i-market ang kanilang ani.
Ang Sentrong Pamilihan ay nagsilbing pangunahing lugar ng kalakalan para sa mga produktong pang-agrikultura hindi lamang sa Sariaya kung hindi pati na rin sa mga kalapit na lugar ng produksyon.
Sinabi pa ni Laurel, isang national logistics plan ang inihahanda ng DA na mag-uugnay sa mga vegetable farms at iba pang food growing areas sa mga food hub tulad ng Food Terminal, Inc. sa Taguig City. | ulat ni Rey Ferrer