Magpapadala na ng barko ang Pilipinas upang harangin ang Chinese vessel na namataan malapit sa Catanduanes, na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Ang susunod po natin na hakbang ay magpadala ng barko para i-intercept at alamin kung anong ginagawa ng barkong iyan within our exclusive economic zone.” -Malaya
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya, na ito na ang susunod na hakbang ng pamahalaan upang alamin kung bakit stationary o nananatili sa EEZ ng Pilipinas ang Chinese vessel.
“Mayroon nga pong China-flagged vessel called Shen Kuo na namataan sa may eastern seaboard ng ating bansa, in Viga, Catanduanes. Na-confirm po natin iyan dahil mayroon po tayong pinadalang eroplano ng Philippine Air Force, isang Nomad N-22, from Legazpi, and nagkaroon po tayo ng maritime patrol.” -Malaya
Una na rin kasi aniyang nagpadala ng eroplano ang Philippine Airforce sa lugar, nagsagawa na rin ng radio challenge ang pamahalaan ngunit wala namang naging pagtugon ang Chinese vessel.
Wala rin naman aniya silang natatanggap na distress signal mula sa barko.
“Dinidedma tayo. And based sa report ng Philippine Airforce ay wala naman tayong nakikitang problema iyong barko at walang namamataang mga tao na nakatayo doon sa labas ng barko.” -Malaya
Kailangan aniyang malaman ng gobyerno kung ano ang ginagawa ng Chinese vessel sa teritoryo ng Pilipinas, lalo’t may mga nagsasabi na posibleng isa itong maritime research vessel. “We have to ascertain what this is doing there. Kasi some are saying, it’s a maritime research vessel, but I’m sure, sasabihin nitong mga… kung anuman ang may kinalaman dito na baka nasiraan ‘di ba. We can only speculate right now, pero nagpapadala na po tayo ng assets.” -Malaya. | ulat ni Racquel Bayan