Hindi dapat ikabahala ng publiko ang manipis na supply o stock ng bigas sa ilalim ng National Food Authority (NFA).
Ito ayon kay NFA OIC Director Larry Lacson, ay dahil malakas naman ang produksyon ng bigas sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na nasa 42, 000 metric tons ng bigas ang nasa pangangalaga ngayon ng NFA.
Malayo aniya ito kumpara sa target na 300, 000 metric tons.
Aminado ang opisyal na nahirapan sila sa pagbili ng bigas, lalo’t mataas ang farm gate price nito.
“Kaya po nagkaroon ng adjustment sa buying price is dahil sa napahirapan kaming makabili. So, hindi ganoon karami ang nabili namin ngayong taon.” —Lacson
Gayunpaman, nasa merkado naman aniya ang supply ng bigas; Malakas ang produksyon ng mga Pilipinong magsasaka, at mayroon pa ring ilan na naga-angkat ng bigas.
“So medyo manipis po, pero hindi naman po kailangang mag-aalala doon, malaki naman po iyong production natin. Ang production po ng palay ay sapat na sapat po para sa atin at mayroon pa rin pong nag-i-import naman kahit papaano. So nandoon po ang supply – nasa market at nasa mga household.” —Lacson.| ulat ni Racquel Bayan