Ibinahagi ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na mula nang mamahagi sila ng high quality o certified seeds salig na rin sa Rice Tariffication Law ay tumaas ang palay production at kita ng mga magsasaka.
Sa naging briefing ng House Committee on Agriculture and Food, ibinahagi ni Deputy Executive Director for Special Concerns on the Implementation of RCEF Flordeliza Bordey, na sa loob ng limang taon ng pagpapatupad ng RTL o mula 2019 hanggang 2023 ay nakapagtala ng 7 percent na pagtaas sa produksyon ng palay.
Kumpara ito sa 2% lang noong 2015 hanggang 2019.
Nagkaroon din aniya ng pagtaas sa annual income ng farming households na nasa 15% o katumbas ng P313,092 per annum mula sa P271,695 lang.
Nasa 21% din ang itinaas sa ani ng mga magsasaka tuwing dry season mula 2019 hanggang 2023 at 9% naman para sa wet season.
Sa siyam na planting season din aniya na ipinatupad nila ang programa ay nakapagpamahagi sila ng 15.32 million na bags ng high quality o certified seeds sa 1.2 million na magsasaka o 1.5 million na ektarya sa kabuuang 57 probinsya.
Pinuri naman ni Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan ang magandang accomplishment na ito ng Philrice. Gayunman, binigyang diin ng mambabatas na mahalagang maisama rin sa mga programang mapondohan ng RTL ang irigasyon.
Gaano man kasi aniya kaganda ang binhi ng mga magsasaka, kung walang sapat na patubig ay hindi rin magiging produktibo ang kanilang ani. | ulat ni Kathleen Forbes
Photo: PhilRice