Pasisimulan na sa Lunes, Abril 15 hanggang 30, 2024 ang distribusyon ng Social Pension para sa indigent senior citizens sa Pasig City para sa unang semestre ng taong 2024.
Ang pamamahagi ng benepisyo ay pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR).
Ngayon pa lang, pinapayuhan na ng Pasig City local government unit ang mga senior citizen na alamin na ang mga detalye ng distribusyon.
Maari na nilang i-check ang listahan ng mga makakatanggap ng Social Pension mula sa DSWD-NCR.
Hindi lahat ng senior citizens na naka-register sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ay benepisyaryo ng Social Pension mula sa DSWD.
Paalala ng LGU, ang manual payout ng Social Pension ay gagawin sa bawat barangay.
Kailangan din na magdala ng authorization letter ang authorized representative para makuha ang Senior Pension kung hindi magawang makapunta ang mga benepisyaryo.| ulat ni Rey Ferrer