Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Pinay na sinubukang ipuslit palabas ng bansa para magtrabaho bilang mga waitress sa China.
Ang mga nabanggit na biktima na hindi pinangalanan para sa kanilang seguridad ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport matapos magpanggap na mga turista papuntang Hong Kong.
Ayon sa mga biktima, nilinlang sila ng isang babaeng Taiwanese na kanilang nakilala sa WeChat kung saan pinangakuan sila ng mga magandang trabaho bilang mga waitress sa China.
Ayon naman sa lumabas na imbestigasyon na ang mga biktima ay tinuruan na magpanggap na mga turista papuntang Hong Kong at makukuha ang kanilang visa mula sa Tsina sa oras na dumating ang mga ito sa Hong Kong at dito na sila magsisimulang magtrabaho nang iligal.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco na ang naturang mga kababaihan ay naloko sa pamamaraan na sila ay pinaniwalang magtatrabaho sa abroad subalit ang totoo aniya ay tina-traffick na ang mga ito para maabuso. | ulat ni Lorenz Tanjoco