Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuloy na ang isasagawang pagkukumpuni sa Southbound lane ng EDSA-Kamuning Flyover.
Sa pulong balitaan ngayong araw sa Pasig City, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes na sisimulan ang kontsruksyon sa April 25.
Pero ang pansamantalang pagsasara ng naturang flyover sa mga pribadong sasakyan ay magsisumula sa May 1 hanggang October 25.
Ito ay upang bigyang daan ang gagawing by-phase retrofitting at repair ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Kamuning Flyover.
Layon nitong patibayin ang tulay at maiwasan ang tuluyang pagkasira kapag tumama ang mga kalamidad gaya ng lindol.
Sa kabila ng pansamantala pagsasara ng flyover, mananatili naman itong bukas para sa mga bus na dumadaan sa EDSA Busway.
Paglilinaw naman ng DPWH, bagamat halos isang taon na gagawin ang pagkukumpuni, anim na buwan lang isasara ito sa mga motorista dahil ang pagkukumpuni ay isasagawa sa ilalim ng tulay at hindi na apektado ang daloy ng mga sasakyan.| ulat ni Diane Lear