Hindi pinayagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Joint Traffic Circular No. 01 ng Metro Manila Council o ang panukala na magtataas sana sa multa para sa illegal parking, mula sa kasalukuyang P1,000 patungong P4,000.
Sa maikling mensahe ng Pangulo, sinabi nito na mananatili sa P1,000 ang multa para sa illegal parking.
“Para patuloy ang magandang serbisyo ng ating pamahalaan ay hindi ko pinayagan ang Joint Traffic Circular No. 01 ng Metro Manila Council tungkol sa probisyon na tataasan ang multa para sa mga illegal parking mula sa isang libong piso na hanggang apat na libong piso maiiwan na sa isang libong piso lamang.” — Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, batid niya ang intensyon sa likod ng proposal na ito.
Gayunpaman, prayoridad aniya ng kaniyang administrasyon ang disiplina kumpara sa pagpapataw ng parusa.
“Isinantabi muna natin ang panukalang itaas ang multa sa illegal parking dahil naniniwala tayong may kakayahan ang Bagong Pilipino na maging disiplinado.” — Pangulong Marcos Jr..
Sabi ng Pangulo, ang isang Bagong Pilipino ay disiplinado.
“While understand the intention behind the proposal, I’ve decided to prioritize discipline over penalties. Ang Bagong Pilipino ay disiplinado.” — Pangulong Marcos Jr.
Kung mas tututukan aniya ang responsibilidad ng bawat isa, makakalikha ang bansa ng pangmatagalang solusyon sa mga hamon sa trapiko na kinahaharap ng bansa..
“By focusing on individual responsibility we can create long lasting solutions to our traffic challenge.” — Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan