Hinimok ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang mga kasamahang mambabatas na kagyat nang dinggin at pagtibayin ang panukala na gawing requirement sa mga property developer ang paglalagay ng rain water retention facilities bago sila bigyan ng construction permit.
Ang panawagan ng mambabatas ay bilang tugon sa hakbang ng administrasyong Marcos na maiwasang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Bago ito, sinabi ng Task Force El Niño na aabot sa 80 probinsya ang maaaring makaranas ng matinding tag tuyot dahil sa El Niño.
Sa ilalim ng House Bill 5840 ni Villafuerte, magiging requirement sa mga commercial, institutional at residential estate developers ang pagkakaroon ng rainwater retention facilities sa kanilang mga proyekto.
Para naman sa mga proyekto na naaprubahan na, bibigyan sila ng tatlong taon para makapaglagay ng rain catchment facility mula sa taon na maging ganap na batas ang panukala.
Maliban sa masisiguro na may sapat na tubig ay makatutulong din ito ani Villafuerte para ibsan ang epekto naman ng pagbaha sa panahon ng tag ulan.
“With El Niño seemingly getting nastier by the year, the Congress can help Malacañang improve national water security and avoid a possible scenario of water scarcity in the years ahead by writing legislation that would empower our LGUs to compel commercial and residential estate developers to put up facilities for retaining rainwater in their respective properties,” sabi ni Villafuerte. | ulat ni Kathleen Forbes