Sinimulan nang talakayin ng Kamara ang planong amyenda sa RA 11203 o Rice Tariffication Law.
Ayon kay House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga, batid naman ng lahat ang magandang layunin ng batas para tulungan ang mga magsasaka ngunit nakukuwestyon pa rin ito dahil sa suplay at presyuhan ng bigas.
Kaya naman sa pamamagitan ng briefing na ito ay maa-asses nila kung epektibo pa ba pang batas o kung kailangan ayusin.
Katunayan, maging si Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel ay suportado ang panawagang amyenda sa batas.
Batay naman sa rekomendasyon ng Department of Agriculture na inilahad ni Undersecretary for Rice Industry Development Christopher Morales iminungkahi na na i-modify ang import regulation na may exemption salig sa RA 8800, pagkakaroon ng timing sa paglalabas ng sanitary and phytosanitary import clearances lalo na sa panahon ng anihan, pagpapalakas sa regulatory function ng Bureau of Plant Industry gayundin ay bigyan ng kapangyarihan ang kalihim ng DA at ATI na mag-import ng bigas batay sa ispesipikong kondisyon para masiguro ang sapat na buffer stock.
Pagdating naman sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, isinusulong ng DA na mapalawig ito ng hanggang 2030.
Mungkahi rin ng ahensya gawin nang 55% ang pondo na ilalaan sa makinarya, pananatilihin naman sa 30% ang seed development habang ang training at extension services ay ibababa sa 5% at 5% din para sa soil health improvement.
Ang sosobra naman sa P10 billion na makokolektang taripa ay ilalaan sa iba pang programa gaya ng financial assistance, crop diversification, water impounding, at watershed rehabilitation.
Sa nakalipas na limang taon ng pagpapatupad ng RTL, sinabi ni Morales na umabot na sa 27,500 units ng machinery at equipment ang naipamahagi kasama ang post-harvest facilities sa mga magsasaka; 4.6 billion pesos na loan sa may 65,000 na benepisyaryo sa ilalim ng Expanded Rice Credit Assistance Program at 20.1 billion pesos na cash assistance sa ilalim ng RFFA. | ulat ni Kathleen Forbes