Muling isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang batas na magmamandato sa lahat ng mga public swimming pool at bathing facilities sa bansa, na magkaroon ng mga lifeguard para maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
Binuhay muli ng senador ang panukalang ito sa gitna ng kasunod ng pagsisimula ng tag-init kung kailangan nagkakaroon ng outing ang mga pami-pamilya at magbabarkada.
Sa ilalim ng Senate Bill 1142 o ang panukalang Lifeguard Act ni Gatchalian, imamandato ang mga pool operator na mag-empleyo ng at least isang certified life guard.
Sakop ng naturang panukala ang mga pampubliko o commercial swimming pools kabilang ang mga nasa hotel, inns, motel, condominium, clubhouses o iba pang nasa public setting.
Itinatakda rin nito, na dapat magkaroon ng dagdag na lifeguard sa bawat 250 square meters na espasyo.
Kilangan ring sertipikado ng nationally recognized organizations na accredited ng Department of Health (DOH) ang mga kukunin na lifeguard.
Inaatasan rin dito ang mga lokal na pamahalaan, na tiyaking sumusunod sa pinapanukalang batas ang lahat ng public swimming pools at magsagawa ng periodic inspection.
Ang mga pool operator na mapapatunayang hindi mag-eempleyo ng kinakailangang bilang ng lifeguard ay papatawan ng kulong, na hindi hihigit sa anim na buwan at multang hanggang P200,000.
Magkakaroon rin ng pananagutan ang mga LGU official na hindi tutupad sa kanilang tungkulin sa ilalim ng pinapanukalang batas. | ulat ni Nimfa Asuncion