Patuloy ang panawagan ng isang mambabatas para sa dagdag na tulong at suporta para sa mga magsasaka at mangingisda, upang mapalakas ang kanilang produksyon at tuluyang matugunan ang inflation.
Kasunod ito ng inilabas na Administrative Order 20 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong padaliin ang proseso at polisiya pagdating sa pag-aangkat ng agricultural products, at pag-alis sa non-tariff barriers.
Ayon kay AGRI Party-list Representative Wilbert Lee, nauunawaan naman niya ang layunin ng AO 20 para mapababa agad ang presyo ng bilihin at mabawasan ang pasanin ng consumers.
Ngunit ang nakikita pa rin niyang long-term solution sa inflation ang dagdag na suporta sa ating mga local food producer na pakikinabangan ng taumbayan.
Punto pa niya na hindi naman maaaring maging import dependent ang bansa.
Kahit din aniya pabilisin ang proseso ng importasyon ay wala naman tayong kontrol sa export policy ng ibang bansa na maaaring maghigpit, o magbago.
“As our food security soldiers, let us demand better for our farmers and fisherfolk. Addressing their needs will help them boost their production that will result to lower food prices. Kung mapapababa ang presyo ng pagkain, lalo na ang bigas, mapapahupa natin ang overall inflation,” ani Lee
Apela pa nito, na pabilisin ang paghahatid ng ayuda sa agriculture sector; bigyan ng access sa murang farm inputs at dagdag na post-harvest facilities; bilhin ng gobyerno ang palay sa mas mataas na presyo para masiguro ang kita ng mga lokal na magsasaka, at sugpuin ang talamak na agri-smuggling. | ulat ni Kathleen Forbes