Nagpasalamat si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa Department of Education (DepEd) matapos nitong ilabas ang kautusan para sa kabayaran ng teaching overload ng mga guro.
Ayon kay Castro isang makasaysayang tagumpay ang DepEd Order No. 5 Series of 2024 o Rationalization of Teachers Workload in Public Schools and Payment of Teaching Overload.
Para sa teacher solon, long overdue na ang kabayarang ito sa napakabigat na workload ng mga guro na sa mga nakaraang taon ay ‘thank you’ lang ang natatanggap.
“This is a long-overdue recognition of the overwhelming workload of our teachers, which has been a decade-long struggle for us. Finally, with this order, teachers will be compensated for work done over and above their regular workload and beyond their regular working hours,” ani Castro.
Sa ilalim ng naturang kautusan inilatag ang komprehensibong framework par sa teaching workload, overload assignments, vacation service credits, at iba pang responsibilidad ng mga guro.
Nakasaad din sa DepEd Order ang pagbabayad sa teaching overload o sobrang gawain ng mga guro pati sa kanilang teacher ancillary tasks at teaching-related assignments. | ulat ni Kathleen Forbes