Sinang-ayunan ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang naging payo ni dating DOH Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa mga kababaihan tungkol sa pagsusuot ng underwear ngayong tag-init.
Una na kasing sinabi ni Garin na kung nasa bahay lang naman ay huwag na aniyang magsuot ng underwear para maiwasan ang pagdevelop ng fungal infection sa intimate area ng mga babae.
Sa naging pagdinig sa Senado, sinabi ni Herbosa na may basehan naman ang payo ni Garin dahil kapag mainit ang panahon ay nata-trap ang moisture, nagpapawis at nagiging prone sa fungal infection o candidiasis ang mga kababaihan.
Kung ayaw naman aniyang mag-commando, ay pwedeng gumamit na lang ng cotton na underwear.
Tiniyak naman ng kalihim na nagagamot naman ang fungal infection na ito.
Dagdag payo naman nina Usec Emmie Chiong at Usec. Maria Francia Laxamana, kumonsulta sa mga OBGYN at gumamit ng feminine wash para mapigilan ang mga fungal infection. | ulat ni Nimfa Asuncion