Personal na humarap at nagsagawa ng public apology sa tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) si PBA at Meralco Bolts player Raymond Almazan.
Ito ay matapos na dumaan sa EDSA Busway noong April 15 at nahuli ng mga tauhan ng DOTr-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT).
Sa isang pulong balitaan, inamin ni Almazan na mali ang kaniyang ginawa at hindi dapat tularan.
Tiniyak naman ni Almazan na babayaran ang multa sa ginawang paglabag sa batas trapiko.
Ayon kay Transportation Undersecretary Andy Ortega, ito ay patunay na ang pamahalaan ay pantay sa pagpapatupad ng batas at sinuman ang lalabag sa batas trapiko ay titiketan at papatawan ng multa.
Hindi naman na nagpaliwanag si Almazan sa umano’y panunuhol nito sa mga traffic enforcer na nanghuli sa kaniya. | ulat ni Diane Lear