Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga taga Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na maging mapagmatyag sa pagbabantay ng kanilang karapatan para sa kauna- unahang BARMM election na nakatakda sa May 2025.
Sa talumpati ng Pangulo sa paggunita sa ika- 10 taong anibersaryo ng paglagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, inihayag ng Chief Executive na katuparan ang nakatakdang eleksyon ng mga taga-BARMM para magamit ang kanilang “democratic right” at magkaroon ng pakikilahok sa nation-building.
Umaasa si Pangulo na tandaan ng bawat kandidato ang prinsipyo na “Bangsamoro Muna ang Mauna, Bago ang Sarili.”
Kaugnay nito’y tiniyak ng Pangulo ang isang mapayapa at matapat gayundin ang “credible” na pagsasagawa ng BARMM elections sa susunod na taon.
Sa sinumang nagpaplanong maghasik ng gulo sa 2025 BARMM Elections sabi ng Punong Ehekutibo ay mas mabuting huwag ng ituloy ang masamang balak gayung ang makalalaban aniya ng mga ito ay walang iba kundi ang gobyerno. | ulat ni Alvin Baltazar