Ibinasura ng Nueva Vizcaya Regional Trial Court ang petisyon na humihiling na ipawalang bisa ang bagong mining permit o ang Financial or Technical Assistance Agreement ng Mining Company na OceanaGold Philippines.
Sa inilabas na order ni Bambang, Nueva Vizcaya RTC Branch 30 Presiding Judge Paul Attolba Jr, maingat anilang pinag-aralan ang petisyon na inihain ng Didipio Earth-Savers Multi-Purpose Association, pero hindi naging sapat ang mga ebidensya na may environmental violations ang mining company.
Wala umanong malinaw na basehan ang reklamo ng mga petitioners at pawang alegasyon lamang.
Ito ang naging rason para hindi igawad ang kahilingan nilang Temporary Environmental Protection Order.
Naghain ng Petition for Certiorari and Continuing Mandamus with Prayer ang mga petitioner para maglabas ng Temporary Environmental Protection Order ang korte.
Kasama sa mga inireklamo sina Executive Secretary Lucas Bersamin at DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga at iba pa.| ulat ni Rey Ferrer