Umabot na sa mahigit 15,000 mga bata na edad 6 na buwan hanggang 10 taon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nabakunahan na laban sa tigdas.
Ito ay sa pinaigting na pagbabakuna ng Philippine Red Cross (PRC) kasunod ng pagdedeklra ng measles outbreak sa rehiyon.
Kasabay nito ay pinalakas din ng PRC ang ‘vaccine education’ sa buong Mindanao.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, ang pag-aatubili ng mga magulang sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak ay banta sa kalusugan ng komunidad, at dahilan kung bakit hindi nabibigyan ng proteksyon ang mga kabataan laban sa sakit.
Batay sa datos Department of Health (DOH), mahigit kalahati ng mga kaso ng tigdas sa Pilipinas ngayong taon o katumbas ng halos 800 kaso ay mula sa BARMM.
Binigyang diin din ng PRC na ang kakayahan nitong na magbakuna ay bilang suporta sa gobyerno. | ulat ni Diane Lear