Nanindigan ang Philippine Estates Authority Toll Corporation sa paghahabol nito na mabawi ang operasyon at pamamahala ng Cavitex o Manila-Cavite Expressway.
Sa pulong balitaan, iginiit ni Dioscoro Esteban Jr, OIC ng PEATC ang karapatan nila na pangasiwaan ang toll road na nag-uugnay sa Katimugang Metro Manila sa Cavite.
Ito rin aniya ang dahilan kayat hindi sila makapagsumite ng audit report sa COA dahil sa nasa kamay pa ng Cavitex Infrastructures Corporation na nasa ilalim ng Metro Pacific Tollways Corporation.
Nauna nang naghain ng petisyon sa Court of Appeals ang PEATC para makuha ang pamamahala kabilang na sa pananalapi ng tollways.
Kasabay nito, dumepensa si Estaban sa pumapangit umanong serbisyo ng Cavitex at nanindigan na limitado ang magagawa nila lalo at nasa CIC pa ang mas malaking kontrol sa naturang Tollways. | ulat ni Michael Rogas