Maaari nang ma-access sa pamamagitan ng eGovPH Super App ang member portal ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ito ang inanunsyo ng State Health Insurer na layong mapadali pa lalo ang access ng kanilang mga miyembro alinsunod na rin sa panawagang digitalization ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang eGovPH Super App ay isang one-stop-shop platform kung saan mabilis nang makapagsasagawa ng transaksyon ang publiko sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng PhilHealth, SSS, GSIS, PAG-IBIG, at mga lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., prayoridad nila ang digitalization bilang tugon na rin sa naisin nilang mapabuti ang kanilang serbisyo sa mga miyembro nito.
Para ma-access ang impormasyon tungkol sa PhilHealth gamit ang eGovPH App, i-download ang eGovPH App sa Google Play Store o Apple App store, mag-sign up gamit ang personal na detalye tulad ng pangalan, petsa ng kapanganakan, address, contact number, at email address.
Magpapadala ng One Time Password o (OTP) sa contact number na inilagay para sa beripikasyon at ang panghuli ay ang verification ng account. | ulat ni Jaymark Dagala