Tiniyak ng Philippine Ports Authority na magpapatuloy ang kanilang serbisyo sa mga byahero kahit tapos na ang Semana Santa.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, hindi natatapos sa Kwaresma ang trabaho nila para paglingkuran ang publiko.
Bagamat inaasahan nila ang pagbaba ng mga byahero matapos ang Holy Week, hindi naman daw maisasantabi na mayroon pa ring mga pasahero kahit hindi kasagsagan ng mga bakasyon.
Nitong Holy Week, naitala ng PPA ang halos dalawang milyong pasahero ang nagtungo sa iba’t ibang mga pantalan sa bansa.
Kaya naman, bukod sa mga magagandang pantalan ay nagbigay din sila ng mga pagkain at tubig sa mga pasahero na naghihintay ng barkong masasakyan.
Gaya na lamang sa PMO Lanao del Norte na bukod sa mga itlog ay namigay din ng PPA Lugaw para sa mga pasaherong naghihintay ng kanilang biyahe sa pantalan.
Ang PMO Panay/Guimaras naman na kabilang sa top ports sa bansa pagdating sa dami ng mga pasahero tuwing peak season, ay namigay ng libreng kape at inuming tubig.
Ganito rin ang isinagawa ng PMO Negros Occidental para naman sa mga driver at pahinante ng truck na bumabiyahe sa kanilang pantalan.
May libre namang binignit para sa mga pasahero ng Nasiport Port ang PMO Port Services Division ng PMO Agusan, habang ang PMO Davao ay namigay ng Easter egg chocolate para sa mga batang pasahero sa pantalan.
Namahagi rin ng Easter egg ang PMO- PMO Negros Occidental / Bacolod / Banago / Bredco para sa nasa 250 mga batang pasahero. | ulat ni Mike Rogas