Mahalagang patatagin ng Pilipinas ang engineering solutions nito at higpitan ang pagpapatupad ng building code para paghandaan ang pagtama ng malalakas na lindol.
Ito ang muling binigyang-diin ni Office of the Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director, Undersecretary Ariel Nepomuceno kasunod ng pagtama ng malakas na lindol sa Taiwan kamakailan.
Giit ni Nepomuceno, dapat alalahanin ng lahat ang ginawang pagtaya hinggil sa dami ng mga posibleng masawi at masugatan sa sandaling gumalaw ang West Valley Fault na nasa 30,000 hanggang 48,000 indibidwal.
Indikasyon ito ani Nepomuceno na maraming kailangang gawin upang paghandaan ang mga malalakas na lindol na tatama sa bansa sa hinaharap.
Kasunod nito, nagpaabot ng pakikisimpatiya si Nepomuceno sa mga nawalan ng mahal sa buhay gayundin ng ari-arian sa Taiwan matapos ang malakas na lindol na yumanig sa kanila.
Kung tutuusin ani Nepomuceno, malaki na ang iginanda ng kahandaan ng Taiwan pagdating sa mga sakuna gaya ng lindol dahil mas kakaunti ang naitalang casualties ngayon kumpara noong 1999.
Mahigit 2,000 ang nasawi habang mahigit 10,000 ang sugatan matapos tumama noon ang Magnitude 7.6 na lindol sa naturang lugar. | ulat ni Jaymark Dagala