Muling nahalal sa Commission on the Status of Women at sa Commission on Science and Technology for Development ng United Nations ang Pilipinas matapos ang halalang isinagawa sa ika-12 plenary meeting ng UN Economic and Social Council (ECOSOC) sa New York, USA.
Sa pagkakataong ito, pinagtibay ng Pilipinas ang pangako nito sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, women’s empowerment, at pag-usbong sa siyensiya at teknolohiya.
Ipinaabot naman ni Philippine Ambassador at Permanent Representative to the UN Antonio Lagdameo ang dedikasyon ng bansa na aktibong makilahok at mag-ambag sa mga programa at inisyatibo ng dalawang mahahalagang komisyon ng UN.
Nitong Marso lamang nagsilbi bilang chair ang Pilipinas sa CSW Bureau sa ika-68 sesyon nito at bilang Chair din ng CSTD noong ika-15 sesyon nito noong 2012 at Vice chair for the Asia-Pacific group noong 2011.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang muling pagkahalal na ito sa bansa ay hindi lamang nagpapakita ng tiwala at pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa kasanayan ng Pilipinas kundi pati na rin sa suporta ng mga ito sa mga layunin sa pag-unlad ng Pilipinas na nakalatag sa Philippine Development Plan 2023-2028 at Ambisyon Natin 2040.| ulat ni EJ Lazaro