Aarangkada ang isa sa pinakabagong Special Economic Zone sa Tanza, Cavite matapos isagawa ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang official sealing ng proklamasyon ng MetroCas Industrial Estates – Special Economic Zone (MIE-SEZ) sa pamamagitan ng isang registration agreement.
Ang nasabing proklamasyon ay mula sa inilabas na Proclamation No. 513 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan idineklara ang anim na parcel ng lupa sa Barangay Calibuyo, Tanza, Cavite na may kabuuang sukat na 40.4 na ektarya bilang MetroCas Industrial Estates – Special Economic Zone.
Ayon sa PEZA, ang MetroCas Properties, Inc., ang may-ari at tagapag-develop ng nasabing Township Project, kung saan handa itong mamuhunan ng aabot sa P500 milyon at 200 skilled workers para sa nasabing proyekto.
Pokus din ng proyekto ang pagiging sustainable at functional, kung saan inilaan nang 60% nito para sa industrial use at 40% para sa common facilities at green spaces.
Layon din umano ng pagtutulungan ng PEZA at MetroCas na palakasin ang economic growth at magtakda ng mga bagong pamantayan sa pagdating sa industrial development, na maglalagay sa Pilipinas bilang isang pangunahing destinasyon sa pamumuhunan sa Asia-Pacific region. | ulat ni EJ Lazaro