Sinimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Cagayan de Oro Branch ang 2-day Piso Caravan sa Robinsons Iligan City simula Abril 3 hanggang Abril 4, 2024.
Layunin ng naturang aktibidad na suriin at palitan ang mga unfit at mutilated na barya at banknotes o mga marurumi, sira-sirang perang papel at polymer sa bagong pera.
Paraan ito ng pagtatanggal ng mga hindi angkop na pera sa sirkulasyon upang mapanatili ang integridad ng mga banknotes o perang papel at barya ng Pilipinas.
Sa panayam ng RP1 Iligan kay BSP Cagayan de Oro Branch Area Director Olegario J. Magahin, Jr., sinabi niya na hindi lamang ito Piso Caravan kundi maghahatid din ito ng financial learning session sa publiko hinggil sa karagdagang kaalaman sa pera ng bansa.
Inisiyatiba ito ng BSP upang palawigin ang pagpapatupad ng BSP Coin Recirculation Program at ng BSP Clean Note and Coin Policy.| ulat ni Sharif Timhar Habib Majid| RP1 Iligan