Magpapatuloy ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang pagbabantay ngayong ikalawang araw ng tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PiSTON).
Ito, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo, ay kasunod ng mga natatanggap nilang ulat na may ilang mga tsuper na kalahok sa tigil-pasada ang nanghaharang at nagbabanta sa mga kapwa tsuper na mas piniling bumiyahe.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Fajardo na pangkalahatang naging mapayapa naman ang unang araw ng tigil-pasada kahapon kung saan, nasa 100 demonstrador lamang ang kanilang na-monitor.
Ayon kay Fajardo, iginagalang naman ng pamahalaan ang sentimiyento ng mga tsuper na tutol sa PUV Modernization subalit dapat din nilang galangin ang karapatan ng mga kapwa nila tsuper na piniling maghanap buhay sa takot na magutom.
Babala ng PNP, posibleng maharap sa reklamong grave coercion at threat ang sinumang tsuper na mamimilit sa kapwa nila tsuper na sumali sa tigil-pasada na posible pang lumala sa damage to property sakaling umabot pa sila sa pamamato ng mga jeepney.
Una nang sinabi ng PNP na nakakalat sa buong bansa ang nasa mahigit 51,000 nilang mga tauhan hanggang bukas, May 1. | ulat ni Jaymark Dagala